PNP nagpaliwanag sa press con ng Greenhills hostage-taker

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2020 06:35 PM | Updated as of Mar 03 2020 08:59 PM

Agad na inaresto si Alchie Paray, ang suspek sa hostage-taking sa Greenhills Shopping Center matapos pagbigyan ng pulisya ang kaniyang hiling na humarap sa media. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - "Tactical" na desisyon ang pagpayag ng pulisya sa hiling ng suspect sa hostage-taking sa Greenhills na humarap sa media, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Martes. 

Sa gitna ito ng pagkuwestiyon sa pagpayag ng mga awtoridad na humarap sa media ang suspek na si Alchie Paray, kahit pa may hawak itong baril. 

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Maj. Gen. Debold Sinas, ang press conference ang pangunahing hiling ng suspek nang nakipag-usap na ito sa mga awtoridad sa gitna ng hostage-taking. Kaakibat din daw ito ng pagsabi ng kaniyang hinaing na nag-udyok umano sa kaniya na gawin ang krimen. 

"Magtaka kayo bakit pinag-presscon namin siya. 'Yon ang number one demand po niya after mag-dialogue at mag-apology. Next is bababa siya basta pagbigyan siya mag-presscon para hinanakit n'ya masabi n'ya publicly," ani Sinas. 

Watch more in iWantTFC

Si Paray ang nagpakilala umanong security guard ng shopping mall na nagsimula sa hostage-taking para umano dinggin ang kaniyang mga hinaing matapos sibakin sa trabaho. Isa ang nasaktan sa insidente. 

Inabot nang halos 30 minuto ang pagsasalita ni Paray sa media matapos ang hostage taking, kung saan idinaing niya ang umano'y pamumulitika sa pagsibak sa kaniya. 

Ayon kay Sinas, hinayaan nilang magtagal ang pagsasalita ni Paray para mahanap ang mga granadang itinago umano ng suspek sa loob ng establisimyento. 

Pagkatapos ng talumpati, agad na inaresto si Paray. Nakuha rin sa kaniya ang isang .45 na baril, isang kutsilyo, at dalawang magasin. 

Lumabas din sa imbestigasyon na isa lang sa apat na granada ang totoo.

Sa kabila ng pag-aresto, iginiit ng suspek na hindi siya nagsisisi sa nangyari. 

"Naiparating ko ang mga gusto kong sabihin," paliwanag niya. 

Nilinaw naman ng PNP Supervisory Office on Security and Investigation Agencies (SOSIA) na may lisensiya si Paray bilang security guard. 

May neuropsychiatric clearance din ang suspek at may license to operate ang ahensiyang pinapasukan niya. 

Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso si Paray. 

Samantala, nagbukas na rin ang Greenhills shopping center ngayong Martes pero mas pinaigting ang seguridad dito kasunod ng insidente. 

Nais din ipabago ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang seguridad sa nasabing mall para hindi na maulit ang hostage-taking.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.