PatrolPH

Lipa nagpatupad ng total ban sa pagpasok ng baboy

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2020 12:03 AM

Sa bisa ng executive order, naghigpit laban sa African swine fever (ASF) ang lokal na pamahalaan ng Lipa, Batangas, ayon kay Mayor Eric Africa.

Lipa nagpatupad ng total ban sa pagpasok ng baboy 1
Lipa nagpatupad ng total ban sa pagpasok ng baboy 2
Executive Order ng Lipa kontra ASF

“Malapit na po ang ASF nasa Laurel na at may report pa sa akin na meron ding ibang bayan pa, pero hindi maapektuhan ‘yung malaking negosyo marami tayong kaya mag-provide ‘di mamamatay sa gutom ang baboy,” ani Africa.

Halos 200,000 buhay na baboy mula sa commercial at backyard farms ang posibleng isailalim sa culling.

Ligtas pa rin sa umano sa ASF ang mga baboy sa lugar sa kabila ng pagpasok nito sa Batangas, partikular sa bayan ng Laurel.

Nagtalaga na rin ng mga checkpoint sa Brgy. Lumbang, Pangao, Malitlit at Sto. Toribio para tiyakin ang kaligtasan ng lugar sa sakit.

May ilan ding mobile checkpoint ang Lipa City Veterinary Office na may ruta sa mga bayan ng Pinagkawitan, Mabini, Antipolo del Norte, Antipolo del Sur, Banay-Banay at Adya para kumustahin ang mga backyard hog raisers.

Pakiusap ng city veterinarian na si Dr. Samuel Comia, maging tapat at agad i-report sa kanila kung may nakitang sintomas ng ASF sa inaalagaang mga baboy.

“We encourage all kung sakaling may sintomas please report sa vet para ‘di maapektuhan ang bilyong industriya inaasahan ng mga Batangueno,” ani Comia.

“Hindi talaga tayo magpapasok ng live pigs pansamantala inuulit nating pansamantala,” dagdag ni Comia.

Malaki ang negatibong epekto ng executive order sa mga may negosyong babuyan, feed millers at meat vendors pero ito umano ang nakikita ng lokal na pamahalaan na pinakamabisang paraan para di mapasok ng sakit.-Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.