ALAMIN: Kidnapping, illegal detention may pagkakaiba ba?

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2020 12:26 PM | Updated as of Mar 03 2020 12:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kalimitang naririnig ang mga salitang "kidnapping" at "serious illegal detention" sa mga kasong may kinalaman sa pagsupil ng kalayaan ng isang tao. 

Wala namang pagkakaiba sa dalawang termino, ayon sa abogadong si Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla." 

Pero dagdag niya, maaari pang maiba ang uri ng kasong isasampa depende sa mga elementong nakapaikot sa sitwasyon. 

Halimbawa, ay kung pribadong indibidwal o opisyal ng gobyerno ang nagiging biktima. 

"Sa batas at least ilan sa elementong malinaw ay pumapasok sa krimen or serious illegal detention. Halimbawa [para pumasok sa serious illegal detention], dapat private individual hindi person in authority," ani Del Prado. 

Arbitrary detention naman ang tawag kapag public official ang dinukot, ayon kay Del Prado. 

Kasama na rin aniya ang mga posibleng mangyari sa biktima; halimbawa ay kung masaktan ito o hindi. 

"Kung sino man ang biktima, iyan ay nakakaapekto sa uri ng krimen at bigat ng posibleng parusa halimbawa kung may nasaktan serious physical injuries. At iba't ibang elemento na nakapagpabigat sa krimen mayroon ding slight illegal detention na posibleng mababa ang parusa at hind natin iyan inaalis," paliwanag pa ni Del Prado. 

Mapapatungan pa ang parusa ng suspek sakaling mamatay, ginahasa, o kaya masaktan ang biktima. 

Mas mabigat din aniya ang kaso ng arbitrary detention. 

PANANAGUTAN NG GREENHILLS HOSTAGE SUSPECT 

Pumutok noong umaga nang Lunes ang balitang may dating security guard na hinostage umano ang ilang empleyado ng Greenhills shopping center, sa umano'y "pamumulitika" sa pagpapatanggal sa kaniya. 

Isa ang nasaktan - ang supervisor umano ng suspek - at ngayo'y nagpapagamot sa ospital. 

Kidnapping na may serious illegal detention ang posibleng maging kaso ng suspek, ayon kay Del Prado. 

Pero hindi pa tukoy ang iba pang elemento ng kaso kaya't hindi pa masasabi kung ano ang eksaktong kaso o parusa laban dito. 

Gayunman, maaari aniyang isailalim na sa inquest ang suspek ngayong "caught in the act" o huli sa akto ang suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.