6 nasagip sa prostitusyon sa Dagupan, ‘bugaw’ timbog

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2020 03:25 PM

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) sa entrapment operation noong gabi ng Lunes ang isang ginang sa Dagupan City dahil sa umano ay pambubugaw.

Nakatanggap ng sumbong ang mga awtoridad ukol sa pambubugaw sa mga babae sa may Arellano Street kaya nagkasa sila ng operasyon doon bandang alas-9 ng gabi, ayon kay Rizaldy Jaymalin ng NBI-Dagupan.

Naaresto ang 44 anyos na babae na itinuturong bugaw habang nasagip naman ang 6 na babae na may mga edad 20 pataas.

Inamin ng suspek ang pambubugaw at sinabing nagawa lang niya iyon dahil sa kahirapan.

Kakasuhan ng human trafficking ang suspek habang ieendorso sa mga social worker ang mga nailigtas na babae.

-- Ulat ni Cris Zuñiga, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.