Mas mabigat na trapiko ang aasahan sa Tandang Sora matapos isara ang flyover doon at intersection sa ilalim nito para bigyang daan ang pagtatayo ng istasyon ng MRT-7, ayon sa opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Bilang tugon, nakahanda na ang higit 100 enforcer para magmando ng trapiko sa lugar, ayon kay MMDA Assistant Secretary Celine Pialago.
Nilagyan na ng mga concrete barrier ang paligid ng Tandang Sora Flyover, na gigibain sa mga susunod na linggo para sa itatayong MRT-7 Tandang Sora Station. Hindi na rin madadaanan ng mga motorista ang intersection sa ilalim ng flyover.
Kapag nasimulan ang demolisyon ng flyover, haharangan na rin ang dalawang lane sa eastbound at isang lane sa may westbound para pagpuwestuhan ng konstruksiyon. Bunsod nito, 7 na lang sa 9 lane papuntang Fairview ang madadaanan.
Bababa naman sa 6 ang 7 lane patungong Quezon Memorial Circle.
Patuloy na magsasagawa ang pamahalaang lokal ng Quezon City at MMDA ng clearing operation sa mga alternatibong ruta para hindi magdulot ng trapiko.
-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, motorista, trapiko, Tandang Sora, Quezon City, Tandang Sora flyover, MRT-7, Celine Pialago, Metropolitan Manila Development Authority, TV Patrol, TV Patrol Top, Kevin Manalo