Mahigit 100 sakay ng sumadsad na barko sa Palawan, nailigtas

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2019 08:02 PM

CUYO, Palawan -- Mahigit 100 sakay ng sumadsad na barko ang nailigtas ng Philippine Coast Guard sa Cuyo, Palawan Sabado.

Sumadsad ang pampasaherong barko na MV Milagrosa J-3 sa Bisucay Island sa bayan ng Cuyo, Palawan, ala-1:45 ng madaling araw nitong Sabado.

Galing ang barko mula sa Cuyo at palayag sana papuntang Iloilo City.

Isang pasahero ang tumawag sa istasyon ng Coast Guard Cuyo para ipaalam ang insidente.

Bandang alas-8 ng umaga, nasagawa ng inspeksyon at search and rescue operations ang Coast Guard Cuyo sa sumadsad na barko.

Ipinadala naman ng Coast Guard ang MRRV-4407 Sindangan at nagbigay ito ng medical assistance sa mga sakay ng barko.

Sa kabuuan, 124 na mga indibidwal ang nailigtas. Siyamnapu't tatlo sa kanila ang mga pasahero at 31 naman ang crew.

Base sa imbestigasyon ng Coast Guard, ayon sa kapitan ng barko na si Nelson Ortaliz, habang binabaybay nila ang naturang isla ay biglang lumakas ang hangin at mga alon kaya’t natangay ang barko sa mababaw na parte ng isla.

Sabado ng tanghali nang madala ang lahat ng sakay ng barko sa pier ng Cuyo. Lahat sila ay nasa maayos na kundisyon.

Kinahapunan ay naalis na rin sa pagkakasadsad ang barko.

Nagsagawa ng underwater investigation ang Coast Guard Linggo sa naging pinsala ng pagkasadsad ng barko sa bahura. Hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.