Lalaki patay nang saksakin ng kapatid

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2019 11:55 PM

BAGO CITY -- Patay ang isang 37 anyos na lalaki matapos pagsasaksakin ng kaniyang nakababatang kapatid Sabado ng gabi.

Ayon sa pulisya, nag-iinuman ang magkapatid sa bahay ng suspek nang mangyari ang insidente.

Dahil matagal na umanong may hindi pagkakaintindihan ang dalawa ay nagpalitan sila ng masasakit na salita.

Nauna umanong kumuha ng patalim ang biktima pero naagaw ito ng kanilang kasama. Sunod na kumuha ng patalim ang suspek at paulit-ulit na sinaksak ang kapatid.

Nagtamo ng 14 na saksak ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Kasalukuyang naka-detene ang suspek habang hinihintay pa ng pulisya ang desisyon ng pamilya kung magsasampa sila ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.