Kaalaman sa negosyo tinuturo na rin sa 'tech-voc' scholars

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2019 07:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kumukuha ngayon ng kurosong bread and pastry production sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) si Sebastian Gupita Jr. para makakuha ng NC II certificate.

Dating panadero si Gupita sa Saudi Arabia at naniniwala siyang mapabibilis ng pagkakaroon ng certificate ang paghahanap niya ng bagong employer sa ibang bansa.

"Para makalikom ako ng kaunting puhunan para mag-start ng own business," ani Gupita.

Nais din ni Bernadeth Fernandez na mahasa ang kaniyang kakayahan sa pag-bake para matulungan naman ang kaniyang pamilya.

"Gusto kong ma-enhance lalo sa knowledge sa pagbe-bake," ani Fernandez.

Bukod sa technical skills, itinuturo na rin ngayon ng TESDA sa mga technical-vocational trainees ang kaalaman sa pagbuo at pamamalakad ng isang negosyo.

Sa Innovation Center, itinayo ang isang totoong café kung saan nagsasanay ang mga trainee.

Bukod sa paggawa ng panindang kape, tinapay at pastries, ang mga estudyante rin ang nakatakdang magpatakbo ng negosyo.

"Ito 'yong magiging training ground nila. Mae-experience nila kung ano-ano ang mga possibilities na mangyari once na nag-put up sila ng business," ani TESDA instructor May Francisco.

Ilan pa sa mga kurso kung saan itinuturo rin ang kaalaman sa negosyo ay ang bartending, cookery, food processing at dressmaking.

Ayon sa TESDA, kung masusunod ang kanilang target, ngayong Marso ay maaari nang makahiram ng puhunan ang kanilang qualified graduates para pambili ng pangunahing makina o kasangkapan sa planong maliit na negosyo.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.