PatrolPH

2 bata nasagip sa tangkang pagdukot: 3 suspek timbog sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2019 07:29 PM

Watch more on iWantTFC

Nasagip ng mga awtoridad sa Camarines Sur ang dalawang batang babae matapos umanong pagtangkaang dukutin ng tatlong lalaki sa bayan ng Pili noong gabi ng Sabado.

Pauwi na sana mula sa pagkuha ng school project ang dalawang biktima — na may edad 11 at 16 — bandang alas-6 ng gabi nang bigla silang harangin ng pick-up truck sa Barangay Santo Niño, kuwento ng biktimang si alyas "Ana."

Hinawakan daw sila "Ana" ng lalaki sa braso at itinulak papasok sa sasakyan pero tinadyakan niya ito hanggang sa makatakas at makahingi sila ng tulong.

Nakita ng residenteng si Rodolfo Caratao ang mga bata kaya sinundan niya ang sasakyan gamit ang motorsiklo at humingi din ng saklolo sa mga opisyal ng barangay.

Naharang ng mga pulis ang saskayan ng mga suspek sa Barangay San Antonio sa karatig-bayan ng Ocampo, ani Police Staff Sergeant Eleno Calongui Jr., tagapagsalita ng Pili police.

"Sinasabi po nila (suspek) nag-nature trip lang po sila sa barangay na iyon," ani Calongui.

Mahaharap sa kasong abduction in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law ang mga suspek. -- Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.