SOCO: 2 bangkay, natagpuang palutang-lutang sa karagatan ng Bataan

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 04:01 PM

 

 

Natagpuang palutang-lutang ang bangkay nina James Carl Guzman, 19, at Glory Mae Carbonell, 22, sa magkaibang parte ng karagatan sa Bataan noong Nobyembre 12, 2017.

Unang natagpuan ang bangkay ni Carbonell sa dagat malapit sa Brgy. Landing sa Pilar, Bataan. Mga tatlong kilometro naman mula dito natagpuan ang bangkay ni Guzman.

Noong una’y inakala ng mga awtoridad na simpleng pagkalunod ang ikinamatay ng mga biktima, ngunit base sa post-mortem examination, blunt traumatic head injuries ang ikinamatay ni Guzman.

Pagkalunod naman ang ikinamatay ni Carbonell, ngunit may natuklasang ilang palatandaan na ginahasa ang biktima.

“Napansin nila do’n sa physical appearance ng babae na ang kaniyang pantalon o suot pang-ibaba ay nakababa na, nakahubad na, hanggang sa lagpas ng tuhod,” ayon kay SPO1 Rodel Borja, chief investigator ng Provincial Investigation and Detective Branch (PIDB).

Natukoy rin sa imbestigasyon ng mga awtoridad na magkasintahan ang dalawa.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, hindi na makontak ang dalawa simula noong gabi ng Nobyembre 11.

“Hindi na ho namin siya makontak. Patay na ‘yung cellphone niya,” kuwento ni Lot-lot Guzman, ina ni James Carl.

“Nawawala si Glory Mae. Missing. Ang nasa isipan ko, baka naman nagtanan. Dalawa ‘yung iniisip ko. Either nagtanan o naaksidente,” banggit naman ng nanay ni Glory Mae na si alyas “Laura.”

“Talagang kaawa-awa. ‘Yung hitsura niya sa picture di mo masabi na siya ‘yun. Bugbog,” dagdag ni Laura.

“Di ko na nga po alam ang naramdaman ko nung time na ‘yun. Para na akong... nagblangko na ako,” sabi ni Lot-lot.

“Sabi nila naghi-hysterical daw ako, pero hindi ko na rin po alam. Kasi nga hindi ko inaasahan na makikita ko sa ganoong sitwasyon ‘yung anak ko eh. Kasi umaasa pa rin ako na makikita kong buhay.”

Sino nga ba ang mga salarin sa krimeng ito? Sundan ang kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.