SAPUL SA VIDEO: Buko vendor, bugbog-sarado nang pagtulungan ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 07:38 PM | Updated as of Oct 26 2018 08:23 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nauwi sa pambubugbog at batuhan ang isang operasyon ng Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay City Biyernes. 

Sa video na kuha ng isang concerned citizen, kita ang isang buko vendor na pinagtutulungang bugbugin ng mga miyembro ng SCOG.

Nagpupumiglas ang vendor at gumaganti rin ng suntok pero hinawakan siya ng MMDA at tinuloy ang panggugulpi kahit sumisigaw na ang mga concerned citizen na huwag siyang saktan.

Sa huli ay wala nang nagawa ang vendor at tiningnan na lang ang nasayang na panindang buko sa kalsada.

Ang vendor na kinilalang si Romnick Relos, ininda ang mga pasang natamo sa insidente. 

Giit niya, nakiusap siyang huwag na itaob ang kaniyang kariton at bagkus kusa na lamang siyang aalis. Dagdag niya, hindi raw siya ang nagsimula ng gulo.

Pero ayon sa mga operatibang sangkot, pinagmumura at binato umano sila kaya gumanti sila sa buko vendor.

Pinakita nila ang CCTV footage ng insidente kung saan kitang itinaob ang kariton ng vendor. 

Matapos nito, binato na ni Relos ng yelo ang isang operatiba at doon na nagsimula ang rambol.

"Babatuhin kami ng yelo sa paligid niya, maraming mga vendor na kukuyugin kami. . . Nasaktan na ang tao ko, binato na, sinaktan pa kaya . . . talagang nagwawala na siya nang husto," ani Victor Jimenez, team leader ng SCOG.

Depensa ni Leonard Mojica, isa umano sa nambugbog: "Haharapin ko 'yun . . . Nablangko na ako noong sinapak na ako sa panga." 

Iimbestigahan na ng MMDA ang insidente. Sa darating na Lunes ay ipatatawang sa Office of the Chairman ang mga operatibang sangkot. 

Umaasa naman ang buko vendor na magiging patas ang imbestigasyon at maibabalik sa kaniya ang sariling kabuhayan.

Ang 12 operatiba ng MMDA na sangkot sa insidente, hindi muna isasama sa mga clearing operation.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.