Mga pamilya ng naturukan ng Dengvaxia, nagsagawa ng 'advocacy run'

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 07:05 PM | Updated as of Mar 03 2018 07:12 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mahigit 200 katao ang lumahok sa isinagawang "advocacy run" sa Quezon Memorial Circle Sabado ng umaga bilang pagkondena sa kontrobersyal na bakunang Dengvaxia.

Karamihan sa mga sumali ay mga magulang at ilang mga naturukan umano ng bakuna kontra dengue.

Isa si Marina Bozar sa mga nakilahok.

Bagama't hindi kasama ang anak, ikinuwento niya na nabakunahan umano ang kaniyang bunso noong Nobyembre 2017 sa health center ng Valenzuela City.

Si John Infante naman, sinabing noong Nobyembre rin nang mabakunahan ng Dengvaxia sa health center.

Ani Infante, madali na siyang mapagod at madalas nilalagnat matapos mabakunahan.

Ayon sa grupong Salinlahi, dapat mapanagot na ang mga opisyal na "nagpabaya" sa isyu ng Dengvaxia.

Kapwa raw may pananagutan ang administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III na pumasok sa kontrata, at ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpatuloy nito.

Ilang kasong kriminal na ang naisampa kay Aquino at mga dating miyembro ng gabinete dahil sa vaccination program, kung saan may 830,000 ang nabakunahan.

Sa kabila ng mga pagdinig at imbestigasyon, hanggang sa ngayon ay wala pa ring direktang ebidensya na nagpapatunay na ang mga naging pagkamatay ng mga batang naturukan ay dahil sa Dengvaxia. 

--Ulat ni Jeck Batallones ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.