Mga nagtatayo ng estruktura sa estero, maaari bang kasuhan?

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 05:13 PM | Updated as of Jan 01 2020 06:07 PM

Watch more in iWantTFC

Maaaring maharap sa kasong kriminal ang sinumang magtatayo ng mga nakasasagabal na estruktura sa mga estero o bangketa.

Tinalakay sa "Usapang de Campanilla" nitong Biyernes ang paksang "abatement of nuisance" o pagtatanggal ng mga estruktura o establisimyento na nakapeperwisyo sa daanan ng tao. Ito ay kaugnay sa isinasagawang clearing operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Maynila.

Ayon sa abogadong si Noel del Prado, maaaring ipatupad ang summary abatement of nuisance o agarang pagbabaklas ng mga nakapeperwisyong estruktura kung mayroon itong epekto sa kaligtasan o kalusugan ng mga tao.

Halimbawa dito ang mga nakatayong bahay malapit sa estero na maaaring magdulot ng malawakang pagbaha. 

Hindi na umano kailangang dumaan ng nasabing operasyon sa korte, ngunit kailangan pa rin na may demand o warning at pagsang-ayon ng health office at local government unit.

Bukod sa pagtatanggal sa mga estruktura na nakahambalang, puwedeng maharap sa pagkakakulong ang may-ari at pagbayarin ng danyos, ayon kay Del Prado.

Samantala, maaari ring maharap sa kasong direct assault o assault against person in authority ang isang tao kung pinagbantaan o inatake nito ang awtoridad habang ginagawa ang operasyon.

Ayon pa kay Del Prado, maaari umanong ipatanggal ng awtoridad ang mga sagabal na establisimyento kahit na matagal na itong nakatayo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.