Lugar sa Pasay na marami umanong 'flying voters', sinilip ng COMELEC

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 05:16 PM


MANILA – Pinuntahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang inirereklamong lugar sa Pasay City na marami umanong pekeng botante.

Ito ay matapos maghain ng reklamo sa Pasay City Prosecutors Office ang complainant na si Yok Tin So hinggil sa umano’y flying voters sa Barangay 97.

Mismong si COMELEC spokesperson Director James Jimenez, kasama ang ilang kawani, ang nag-inspeksiyon sa address na 2802 Taft Avenue sa Pasay City.

Sa naturang address nakatayo ang LRT-1 EDSA Station.

Sinuyod ni Jimenez ang likurang bahagi ng istasyon at dito nakita ng kaniyang grupo na marami pang bahay sa lugar ng LRT station na may address din na 2802.

Katunayan, mayroon pa silang nakitang address na 2802-A, B, C, at D. 

Posible aniyang may land dispute o isyu sa legalidad ng pagmamay-ari ng lupa sa lugar kaya kapareho ng address ng estasyon ng LRT ang address ng mga residente. 

Dahil dito, kailangan pa ng mas masinsinang imbestigasyon hinggil sa paratang na mga flying voter ang mga residente doon. 

Dapat ding pakinggan ang dalawang panig at hindi lamang ang bersiyon ng naghain ng reklamo, ayon sa mga opisyal.

Nag-iimbestiga rin aniya ang COMELEC hinggil sa reklamo at pananagutin ang mga nagparehistro sa nasabing barangay sakaling totoo ang bintang na sila ay flying voters.