Joanna Demafelis, inilibing na; pamilya, tuloy ang panawagan na hustisya

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihimlay na sa kaniyang huling hantungan si Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang patay sa freezer sa Kuwait nitong Pebrero, higit isang taon matapos maiulat na nawawala.

Mula sa bahay ng pamilya Demafelis sa bayan ng Sara, Iloilo, daan-daan ang sumama sa paghatid kay Demafelis sa simbahan para sa huling misa bago siya ilibing sa Virgin Island Cemetery, Sabado ng hapon.

Kaniya-kaniyang paraan ang mga kababayan ni Demafelis para ipanawagan ang hustisya sa matinding hirap na dinanas niya sa kamay ng mga amo sa Kuwait.

Nagsuot sila ng puting t-shirt bilang pakikiramay sa namatay na OFW.

Labis naman ang pasasalamat ni Crisanto, ama ni Demafelis, sa ipinapakitang pagmamahal sa kaniyang anak.

Kabilang sa mga nakiramay sa pamilya si Labor Secretary Silvestre Bello III.

Ibinigay niya sa pamilya ang mahigit sa P700,000 life insurance ni Demafelis.

Ayon pa kay Bello, kakasuhan ng murder na may parusang bitay ang mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Demafelis.

Sinabi rin aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananatili ang deployment ban sa Kuwait hangga't hindi nakakamit ang hustisya para kay Demafelis.

--Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.