DOH, nagbabala sa pagkalat ng mga sakit na nakukuha tuwing tag-init

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ngayong nararanasan na sa bansa ang matinding init, nagbabala ang Department of Health (DOH) sa paglaganap ng mga sakit tuwing ganitong panahon.

Isa na sa mga umiinda rito ay ang 59 anyos na si Lita Manaway na halos hindi na umano makalabas ng bahay dahil sa sobrang alinsangan.

Sa tindi ng sikat ng araw, ramdam na aniya ang hapdi ng init na parang kumukurot sa balat.

"Nakakahilo nga . . . Tapos sinisipon na ako," ani Manaway. 

Ayon sa DOH, uso ngayon ang mga sakit sa balat gaya ng bungang-araw na dulot ng pagpapawis, sunburn, at pati na fungal infections gaya ng hadhad, buni at an-an na madaling kumalat sa balat na basa ng pawis.

Kapag maalinsangan ang panahon, madali rin umanong kumalat ang bulutong na nakakahawa.

Payo ng DOH, magpabakuna dahil libre naman itong ibinibigay ng ahensiya.

"We have harmless vaccines available for measles, chicken pox . . . Umaabot sa 500,000 ang nakaka-iwas sa mga sakit kada taon dahil sa mga bakunang ito," ani DOH Secretary Francisco Duque III. 

Delikado rin tuwing mainit ang panahon ang ma-dehydrate o ang mabilis na pagkawala ng tubig sa katawan.

Maaari pang mauwi ito sa heat exhaustion at heatstroke, na nakamamatay kapag hindi naagapan.

Tips para maiwasan ang mga sakit sa tag-init:

• Uminom ng maraming tubig
• Ugaliin ang paliligo
• Mild soap na may moisturizer ang gamitin
• Maglagay ng sunblock sa mukha at katawan 
• Magpabakuna

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.