13 arestado sa magkakahiwalay na drug ops sa QC

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 10:16 AM

MAYNILA – Umabot sa 13 katao ang nalambat ng awtoridad sa ikinasang magkakahiwalay na mga buy-bust operation sa Quezon City, Sabado ng madaling araw.

Bumagsak sa kamay ng awtoridad ang lima katao, kabilang ang dalawang lalaking menor de edad, matapos ang buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10 sa Cadena de Amor Street, Barangay Central.

Ayon kay Supt. Christian Dela Cruz, hepe ng QCPD Station 10, target ng operasyon ang mag live-in partner na sina alyas Johnny at alyas Marta.

Dagdag ni Dela Cruz, dati nang sumuko sa Oplan Tokhang si alyas Johnny.

Narekober sa mga suspek ang pitong sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, at P700 buy-bust money. 

Sa isa pang buy-bust operation sa Lupang Pangako Phase 1, Payatas B naman nahuli ang apat na lalaki at dalawang babae na pawang nasa drug watchlist. 

Aminado ang sinasabing target ng operasyon na si alyas Totoy na kagagamit lang niya ng droga ilang oras bago siya maaresto. 

Narekober sa mga suspek ang 13 sachet ng hinihinalang shabu, P500 buy-bust money at isang kalibre .45 na baril. 

Samantala, dalawang lalaki naman ang naaresto ng QCPD Station 7 sa Barangay San Martin De Porres matapos umanong mahuli sa aktong gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

Itinanggi naman ito ng mga suspek na nagsabing naglalaba sila nang arestuhin ng mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.