13 anyos patay sa pamamaril sa Tondo

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 10:50 PM | Updated as of Mar 04 2018 09:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang 13 anyos na lalaki matapos barilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin sa Tondo Biyernes ng gabi.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District Station 1, ligaw na bala umano ang tumama sa biktimang si Aldrinne Pineda.

Pero giit ng ina ng biktima na si Michelle, tinarget ng isang gunman ang kaniyang anak base umano sa kwento ng kalarong batang. Inilawan pa raw sila ng gunman bago pinagbabaril ang biktima.

Dagdag ng ina, inutusan niya lamang ang anak na bumili sa tindahan alas-7 ng gabi. Makalipas ang ilang minuto, nakarinig ng putok ng baril at nakasalubong niya ang anak na duguan at may tama sa tagiliran. 

Naitakbo pa sa ospital ang binatilyo pero pumanaw alas-2:30 ng madaling araw dahil sa tindi ng tama sa tiyan at mga bato.

Itinuturong salarin ng ina ang isa umanong pulis sa lugar. 

Pero giit ni Police Supt. Jay Dimaandal, hepe ng MPD Station 1, imposibleng pulis ang bumaril sa binatilyo dahil may court duty umano ang mga pulis noong oras na mangyari ang krimen.

Dagdag ni Damaandal, handa silang patunayan ito gamit ang pruwebang attendance ng mga pulis sa korte. 

Ayon kay kagawad Tess Padernal, walang masamang record ang biktima sa kanilang barangay. Wala rin silang natanggap na report ng kaguluhan bago nangyari ang pamamaril. 

Samantala, hindi umano nila ma-monitor kung sino-sino ang mga pumasok sa lugar o kung may pumasok na kahinahinalang tao dahil hindi nahagip ng CCTV ang lugar na pinangyarihan ng krimen.

Iniimbestigahan naman ng MPD ang impormasyong nagnakaw umano ng bakal ang biktima sa lugar bago mangyari ang pamamaril.

Hustisya ang sigaw ng pamilya ng biktima dahil anila'y masipag ang bata at magtatapos na sana ng Grade 6 ngayong buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.