117 'pasaway' sa Caloocan, dinampot ng mga pulis

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 05:42 AM

Dinampot ng mga pulis ang 117 katao na lumabag umano sa iba't ibang ordinansa sa lungsod ng Caloocan.

Kabilang sa mga nahuli ang mga umiinom sa kalsada, mga walang damit pang-itaas, nagsusugal, at nakuhanan ng droga.

Nasagip din ang 43 menor de edad na pagala-gala pa rin sa kalsada kahit lagpas na sa curfew.

Narekober din ng mga pulis ang 11 motor na napag-alamang walang registration papers.

Ayon kay Supt. Ferdinand Del Rosario ng Caloocan police, mas nadagdagan ang bilang ng mga nahuli sa ikinasang anti-criminality operation ngayon kumpara noong nakaraan. 

Aniya, maaaring dahil weekend ngayon at katatapos lamang ng pay day kaya naman naisipan ng mga itong magsaya ngunit hindi naisaalang-alang ang batas.

Maaaring makasuhan at makulong ang mga dinampot.

Itu-turnover naman sa Department of Social Welfare and Development ang mga nasagip na menor de edad sakaling hindi sila sunduin ng kani-kanilang mga magulang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.