1 sugatan, matapos araruhin ng nag-counterflow na jeep sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2018 08:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa ang sugatan habang 5 sasakyan ang napinsala matapos mawalan ng preno at mag-counterflow ang isang pampasaherong jeep sa Barangay Sucat, Muntinlupa, Biyernes ng umaga.
    
Sa video na ini-upload ng motorcycle rider na si Arjie Domalasa Silos, makikitang mabagal ang usad ng mga sasakyan sa kasalubong nilang lane habang maluwag naman sa kanilang lane, kaya dire-diretso sila ng mga kasabay niyang motorsiklo nang biglang mag-counterflow ang isang pampasaherong jeep. 
    
Suwerteng naka-iwas si Silos sa kasalubong na sasakyan.

Hindi naman ganoon kasuwerte ang iba pang motorcycle rider sa kaniyang likuran na inararo ng rumagasang jeep.

Base sa imbestigasyon ng Highway Patrol Group, nawalan umano ng preno ang jeep na minamaneho ni Benjamin Cabillo at nang makita niyang nakahinto na ang mga sasakyan sa kaniyang harapan, doon na umano nag-counterflow ang jeepney driver.

Tuluyan na lang napahinto ang jeep nang mabangga na nito ang isang elf truck.

Nagtamo ng sugat sa braso ang isang angkas ng motor.

Bahagya namang napinsala ang 3 motor, 1 SUV, at elf truck. 

Ayon sa barangay, mabuti na lang at ganoon lang ang nangyari lalo't may 100 metro lang ang layo ng aksidente sa pila ng mga pasahero.

Nakipag-areglo si Cabillo sa kaniyang mga naaksidente, kaya wala nang nagsampa ng kaso.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.