PatrolPH

'Walang mangyayari sa Pinas': Nasa 45 Pinoy sa Ukraine tumanggi sa repatriation

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2022 08:09 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Isang malakas na pagsabog ang yumanig noong Martes sa Kharkiv, Ukraine, na malapit sa Russian border.

Tinamaan ang Freedom Square na nasa sentro ng siyudad. Pito ang patay at 24 ang sugatan, kabilang ang isang bata, ayon sa Ukraine state emergency service.

Sa Kharkiv dati nagtatrabaho ang OFW na si Jolen Calunod. Sa Ivano-Frankivks tumakbo si Calunod.

Doon, kinupkop siya at 9 pang Pilipino ng isa pang kababayan at kaibigan nitong Ukrainian.

Ang mga kasama ni Calunod, umaming nakarating na sa mga opisyal ng embahada at konsulada na nakapuwesto sa Lviv, pero umalis nang ipaliwanag sa kanilang kailangan nilang umuwi ng Pilipinas.

"Kaya nag-book ako agad ng taxi, pumunta dito. Kasi ayoko talaga umuwi. Siyempre wala namang mangyayari sa amin sa Pilipinas, may pamilya ako na kailangan kong buhayin," ani Maria Leonora Gragasin.

"Mahirap po sa aming mga OFW na mag-decide na mag-stay dito sa Ukraine dahil hindi namin po alam kung anong kinabukasan namin. Pero sinugal pa rin po namin... Kasi kung uuwi po kami ng Pilipinas wala po talaga," ani Regina Fatallo.

Ayon naman sa DFA, 141 Pinoy ang nakumpirma nilang nasa loob ng Ukraine at marami dito ang nag-aalinlangang umuwi.

"May 45 pa po sa Kyiv 'yung talagang ayaw pang lumikas," ani DFA Undersecretary Sarah Lou Arriola. 

Sa kabila nito, inamin ng DFA na hindi puwedeng puwersahang pauwiin ang mga Pilipino.

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.