PatrolPH

Dahil sa selos? 3 patay sa pananaksak sa Laguna

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2022 03:29 PM

Tatlong tao ang namatay sa insidente ng pananaksak sa Santa Rosa City, Laguna noong Martes.

Ayon sa mga awtoridad, nasawi ang lalaking suspek matapos niyang pagsasaksakin ang sarili, makaraang mapatay ang dati niyang kinakasamang babae at ang manugang nito.

Selos ang ugat ng krimen, ayon kay Santa Rosa police chief Lt. Col. Paul Sabulao.

Base sa imbestigasyon, bandang alas-10 ng umaga nang sugurin ng suspek ang dating kinakasama, na edad 52, sa apartment nito sa may Barangay Macabling.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa pinagsasaksak ng suspek ang babae, na agad nitong ikinasawi.

Nasaksak din ang manugang ng babae, na idineklarang dead on arrival sa ospital. Sugatan naman ang isang 6 na buwang gulang na bata, na ginagamot sa isang ospital sa Batangas.

Ayon kay Emmanuel Monsale, tauhan ng barangay, noong Enero 8 pa lang ay ipina-blotter na ang dating kinakasama ang suspek dahil nagbanta itong papatayin ang kanilang pamilya.

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.