Taiwanese dinukot at ilang beses na ibinenta umano sa mga POGO company

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2021 11:51 PM

Isang Taiwanese na umano'y biktima ng kidnapping ang nasagip sa Parañaque City Martes ng umaga.

Nagpadala ng reklamo sa opisina ng hepe ng Philippine National Police ang kinatawan ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) police attachè ng Taiwan Embassy, na dinukot umano ang isang Taiwanese national sa Makati City nitong Lunes. 

Nakikipag-ugnayan umano sa kanila ang biktima sa pamamagitan ng text message.

Natunton ang kinaroroonan ng biktima sa 28th floor ng isang gusali sa Parañaque City. Mag-isa lang ang biktima nang makita ng mga pulis.

Sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, Pebrero 26, 2021 nang mag-apply ang biktima ng trabaho sa pamamagitan ng isang mobile app sa isang social media platform na pinapatakbo ng isang Chinese company.

Nasa 13,000 RMB ang napagkasunduang sweldo. Sa araw ding iyon, sinundo siya ng isang Pinoy driver at umano'y Chinese na empleyado ng nasabing kompanya.

Dinala ito sa isang hotel sa Pasay City para ma-quarantine.
Matapos ang 2 araw, sinundo naman siya ng grupo ng mga Chinese at dinala siya sa Las Piñas City. 

Sinabihan din umano siya na ibinebenta siya sa halagang 30,000 RMB para sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) company.

Nitong Marso 1, muli na naman umanong ibinenta ang biktima sa halagang 30,000 RMB sa isa pang POGO company.

Napag-alaman ng awtoridad na ang unit at ang buong palapag kung saan natagpuan ang biktima ay isa sa mga isolation facilities ng nasabing POGO company para sa kanilang mga magiging empleyado.

- ulat ni Gracie Rutao

FROM THE ARCHIVES

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.