Isang retiradong pulis at isang magsasaka ang patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Cagayan Valley.
Ayon sa mga awtoridad, nasawi si Nestor Daracan, 70, matapos siya pagbabarilin sa bayan ng Tuao, Cagayan nitong Sabado.
Sa imbestigasyon ng Tuao Police, binabaybay ng biktima ang kalsada sa Barangay Barancuag sakay ng kaniyang motorsiklo nang biglang pagbabarilin ng isang lalaking nakaangkas sa isa pang motorsiklo.
Bumagsak sa kalsada ang biktima, pero naisugod pa siya sa ospital kung saan siya idineklarang dead on arrival dahil sa natamong tama ng bala sa dibdib.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 na baril. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang mga salarin gayundin ang kanilang motibo sa pagpatay sa kaniya.
Mahigit 10 taon umano na ang nakalipas buhat nang magretiro sa serbisyo si Daracan.
Nasawi naman ang magsasaka na si Edwin Dancel sa kamay din ng isang riding-in-tandem sa San Mariano, Isabela nitong Linggo ng hapon.
Sa imbestigasyon ng San Mariano Police, minamaneho ng biktima ang kaniyang motorsiklo nang barilin siya ng mga salarin sa national highway ng Barangay Minanga.
Agad namatay ang biktima dahil sa natamong tama ng bala sa ulo at katawan.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.
Hindi naman tinamaan ang angkas ng biktima na ngayon ay nagsisilibing pangunahing testigo sa krimen.
Sinisiyasat na rin ng awtoridad ang isang CCTV footage ng nangyaring pamamaril.--Ulat ni Harris Julio
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
pamamaril, crime, riding-in-tandem, Cagayan Valley, Isabela, Cagayan, Regional news, Tagalog news