5 marijuana plantation natunton sa Kalinga; halos P8M halaga ng 'damo' sinunog

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2021 09:53 PM

TINGLAYAN, Kalinga — Sinalakay ng mga awtoridad ang 5 taniman ng marijuana sa bayan na ito noong nakaraang linggo. 

Ayon kay Police Col. James Cipriano, provincial director ng Isabela Police, nalaman nila ang tungkol sa mga taniman dahil sa isiniwalat na impormasyon ng 2 lalaking nahulihan ng mahigit P4 milyong halaga ng marijuana noong Pebrero 18. 

Natunton ang mga taniman ng marijuana na nakakalat sa bulubunduking bahagi ng Barangay Loccong.

Pinakamalawak ang unang taniman na nasa 800 square meter kung saan tumambad ang 6,400 piraso ng fully-grown marijuana plant.

Abot naman sa 4,400 puno ng marijuana ang nadiskubre sa ikalawang taniman na may 550 square meter ang lawak.

Sa ikatlong lugar, walang nakitang nakatanim na marijuana. Pero may narekober na 30 kilo ng dried marijuana stalks na sa pagtaya ng Philippine Drug Enforcement Agency ay nagkakahalaga P3.6 milyon. 

May nakumpiska rin na 1 kilo ng marijuana seeds na nagkakahalaga ng P25,000 sa nasabing lugar.

Nasa 4,800 puno ng marijuana ang natagpuan naman sa ikaapat na taniman na ang lawak ay nasa 600 square meter.

Sa ikalimang taniman na may 600 square meter din ang lawak, natagpuan ang nasa 6,000 puno ng marijuana.

Sa kabuuan, tinatayang nagkakahalaga ng P7,945,000 ang mga pananim na marijuana, dried stalk at mga buto, ayon sa PDEA. 

Agad na binunot saka sinunog ng mga awtoridad ang mga marijunana. 

Patuloy din ang kanilang pagsisiyasat para matukoy kung sino ang mga nagmamay-ari ng mga taniman ng marijuana. 


—Ulat ni Harris Julio 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.