43 pct mga biktima ng online sexual exploitation nasa edad 12 pababa - grupo

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2021 05:33 PM

MAYNILA - Nasa halos kalahati o 43 porsyento ng mga biktima ng sexual exploitation na ginagawa online ay nasa edad 12 pababa, ayon sa isang grupo ngayong Martes. 

Ito ang lumabas sa pag-arangkada ng talakayan sa Senado ng mga panukalang batas kaugnay sa panukalang electronic violence against women o E-VAW bill at maging online sexual abuse.

Sa pagdinig, sinabi ng kinatawan ng International Justice Mission Philippines na si Lawrence Aritao na sa mga kaso na kanilang hinawakan simula 2011 hanggang March 1, 2021 nasa 758 kaso ng online sexual exploitation of children o OSEC victims ang kanilang nasagip.

Nasa 43 porsyento sa bilang na ito ay mga nasa edad 12 taon pababa at 60 porsyento ng mga suspek ay mismong magulang, kamag-anak at close family friends, sabi ni Aritao. 

Sa panahon naman ng pandemya o simula March 2020 hanggang March 1, 2021, nasa 45 ang kanilang isinagawang rescue operations kung saan 148 biktima ang nasagip.

Umabot sa 30 suspek ang naaresto na habang 24 ang convicted.

PANOORIN ANG KAUGNAY NA BALITA: 

Watch more on iWantTFC

Sa panig ng mga awtoridad gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), binanggit na nahihirapan silang magsampa ng kaso at palakasin ang kaso dahil sa hindi daw pakikipag-cooperate sa kanila ng mga online platforms. Idinadahilan daw ng mga ito ang data privacy act.

Suhestiyon naman ng Department of Justice sa gagawing final version ng panukala, isama na ang paraan na kapag nag-request ang enforcement authority, dapat kasama sa ibibigay kahit ang pangalan ng account holder o yung mga itinuturing na less intrusive data.

Kapag ang mismong laman o content ng online platform ang kailangan, dapat pa rin daw ang warrant para maprotektahan ang publiko.

- Ulat ni Roberto Mano, ABS-CBN News