PatrolPH

4 patay, 1 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2021 11:16 AM | Updated as of Mar 02 2021 02:39 PM

4 patay, 1 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa Isabela 1
Patay ang driver ng motorsiklo sa aksidenteng kinasangkutan din ng isang SUV sa Barangay Malalam, Ilagan City. Bumibiyahe sa magkaibang direksiyon ang dalawang behikulo nang agawan umano ng linya ang motorsiklo. Larawan mula sa Ilagan City Police

Apat na katao ang nasawi habang isang menor de edad naman ang sugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa Isabela nitong nakaraang linggo.

Unang binawian ng buhay ang 64-anyos na retiradong sundalo na si Henry Santiago matapos mabangga ang minamanehong motorsiklo ng isang SUV sa national highway ng Barangay Tagaran, Cauayan City noong Sabado. 

“Parehas na direksyon itong dalawang sasakyan, pero itong motorcycle ay nasa outer lane. Parang papunta sa kabilang linya kung saan meron siguro siyang pupuntahan sa kabila kaya po about to U-turn siya, e medyo mabilis naman po itong SUV kaya nasalpok 'yung motorcycle,” sabi ni Staff Sergeant Rodrigo Siban. 

Nagkasundo naman ang magkabilang panig na hindi magsasampa ng kaukulang reklamo at nagbigay na rin ng tulong pinansyal ang driver ng SUV sa pamilya ng nasawi.

Alas-6 ng gabi naman ng Linggo nang magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Sitio Locson sa Barangay Gangalan sa San Mariano.
 
Sa imbestigasyon ng San Mariano Police, inagaw umano ng 15-anyos na driver ng motorsiklo ang lane ng isa pang motor na minamaneho ng 19-anyos.

Tumilapon ang dalawang driver na naging sanhi sa agaran nilang pagkamatay.

Agad naman dinala sa ospital ang menor de edad din na angkas ng 15-anyos na driver.
 
Pasado alas-8 naman ng gabi nang magsalpukan din ang isang motorsiklo at SUV sa bahagi ng national highway sa Barangay Malalam, Ilagan City. 

Sa imbestigasyon, nasa magkasalungat na direksyon ang dalawang behikulo nang agawan umano ng linya ng motorsiklo ang SUV.

Dahil sa tindi ng pagbangga, tumilapon ang motorcycle rider na kinilalang si Justine Fortin.

Naisugod pa siya sa ospital pero idineklara na siyang dead on arrival.

- Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.