Lalaki balik-kulungan matapos makuhanan ng P512-K halaga ng ‘shabu’

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2020 01:25 PM

Balik-kulungan ang isang lalaki matapos makuhanan ng mga awtoridad ng P512,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Davao City noong hapon ng Linggo.

Kinilala ng pulisya ang suspek bilang si alyas “Nap,” 41, na dati nang nahuli sa kasong droga pero nakalaya dahil sa plea bargaining agreement.

Muling naaresto si “Nap” sa operasyon sa Barangay 74-A bandang alas-4:15 ng hapon, kung saan nakuha sa kaniya ang 10 pakete ng hinihinalang shabu at isang shotgun na may 6 na bala.

“Isa ito sa mga drug personality na sinu-surveillance natin, malaki ito dahil siya ang sumu-supply sa halos lahat ng area sa Davao City,” ani Lt. Col Ronald Lao ng Talomo Police Station.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms ang isasampa laban sa suspek.

-- Ulat ni Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.