25 sa 26 Korean na taga-Daegu na nagpunta sa Cebu nahanap na: DOH

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2020 05:01 PM | Updated as of Mar 02 2020 07:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nahanap na ng Department of Health (DOH) ang 25 sa 26 Korean na galing Daegu City, na dumating sa Cebu bago ipatupad ng gobyerno ang travel restriction sa ilang lugar sa South Korea. 

Isa ang Daegu City sa isinailalim sa temporary travel restriction ng gobyerno ng Pilipinas dahil sa mataas na kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang press briefing ngayong Lunes, sinabi ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na sa 26 turista, isa na lang ang hinahanap.

Hindi itinuturing na patient under investigation ang mga Korean dahil wala silang ipinapakitang sintomas ng COVID-19 pero gusto silang bantayan ng gobyerno dahil galing sila sa lugar na apektado ng virus, ayon kay Vergeire.

Labinlima sa mga Korean ay bumalik na sa South Korea noong Linggo habang 2 sa kanila ay uuwi ngayong Lunes, ani Vergeire.

Isa naman sa mga Korean ay nahanap umano sa Pampanga habang 7 naman ang nasa iba-ibang hotel sa Cebu.

Umabot na sa higit 3,000 ang kaso ng COVID-19 sa South Korea. Ito ang bansang may pinakamaraming kaso sa labas ng China, kung saan nag-ugat ang virus.

MGA PINOY SA NEW CLARK CITY

Samantala, ibinahagi rin ni Vergeire na umabot na sa 14 ang bilang ng mga Pinoy na naka-quarantine sa New Clark City ang nagpakita ng sintomas ng COVID-19.

Sampu sa 14 ay negatibo sa sakit habang hinihintay pa ang resulta ng apat.

Ang mga nasabing Pinoy ang mga umuwi ng bansa mula sa barkong Princess Diamond na na-quarantine sa Yokohama, Japan.

Sa Pilipinas, 3 pa lang ang naitatalang kaso ng COVID-19 at pawang mga dayuhan ang mga ito. Gumaling na ang 2 sa mga ito at nakabalik na ng China habang pumanaw naman ang isa.

Wala pang naitatalang kaso ng local transmission ang DOH.

May 86 na Pinoy sa ibang bansa ang nagpositibo sa sakit. Pinakabago rito ang isang babae sa Singapore. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.