PatrolPH

SOCO: Grade 11 student patay nang kuyugin umano sa eskuwelahan

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2019 03:03 PM

 

Lupaypay ang katawan at wala nang malay ang 19-taong gulang na Grade 11 student na si Kenneth Langit matapos umanong kuyugin ng tatlong estudyante sa loob ng Mangaldan National High School sa Pangasinan noong Enero 15, 2019. 

Binawian ng buhay si Langit matapos ang tatlong araw na pagkaratay sa ospital. Batay sa medico legal report, blunt traumatic injuries sa ulo ang ikinamatay ng biktima.

Ayon sa kaklase ni Langit na si alyas "Gino," papunta na raw silang dalawa noon sa huling klase nang makasalubong nila si Jeorge Calimlim, isa ring estudyante sa paaralan.

"Biglang nakasalubong po namin 'yung Jeorge po. Masama po 'yung tingin kay Kenneth. Parang hinamon niya po ng suntukan," kuwento ni Gino.

"Tinulak niya po si Kenneth, tapos binigyan niya po ng isang suntok. Pero nadaplis lang po. Pagkatapos po no’n, bumawi po si Kenneth. Natumba po si Jeorge,” dagdag ni Gino.

Dalawang kasamahan ni Calimlim ang sumama sa gulo at pinagtulungan si Langit. Kinilala ang dalawang lalaki na sina Jason Soriano at Jay-ar Biagtan.

Bagama't marami ang nakasaksi sa insidente, walang naglakas-loob na umawat.

Natigil lamang daw ang gulo nang mapansin nilang hindi na gumagalaw si Langit.

“Parang naglalakad na lang po sila na tumatawa na napatulog po nila. Hindi po nila alam na kritikal na po 'yung lagay ni Kenneth,” ayon kay Gino.

Ayon sa Mangaldan police, galit ang nakikita nilang motibo sa krimen.

Panoorin ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, March 2, 4:15 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.