P2 milyong halaga ng ari-arian natupok sa sunog sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2019 01:52 PM

Walang ibang bahay na nadamay sa sunog na tumupok sa isang bodega at bahay sa Barangay Bula, General Santos City.

GENERAL SANTOS CITY - Nilamon ng apoy ang dalawang istruktura sa loob ng isang compound sa Gonzales Subdivision, Barangay Bula dito sa siyudad, Biyernes ng gabi.

Batay sa imbestigasyon ng General Santos City Fire Office, nagsimula ang sunog sa warehouse kung saan nakaimbak umano ang mga paninda gaya ng mga plasticware, appliances, gamit sa bahay at iba pa. 

Mabilis ang pagkalat ng apoy kaya nadamay sa sunog ang bahay ng may-ari ng warehouse.

Agad umanong napansin ng pamilya ang apoy kaya nakalabas at naitakbo palayo ang tatlo nilang anak.

Naka-firewall ang bodega kaya naiwasang kumalat ang apoy sa mga kapitbahay.

Siyam na firetruck mula sa Bureau of Fire Protection at volunteer fire brigades sa siyudad ang nagtulungan para apulahin ang apoy. 

Dalawang oras ang inabot bago magdeklara ng fire out ang mga bombero.

Inaalam pa kung ano ang naging sanhi ng sunog.

Tinatayang mahigit sa P2 milyon ang naitalang danyos, pero ayon sa Chief of Operations ng General Santos City Fire Office na si SFO3 Allan Rey Imperio, madaragdagan pa ang halaga dahil titingnan pa ang mga kagamitan at panindang nasama sa sunog.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Ito ang unang structural fire na naiulat sa lungsod ngayong fire prevention month.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.