PatrolPH

Gigibaing Tandang Sora Flyover hinarangan na ng concrete barriers

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2019 09:42 AM

MAYNILA - Naglagay na ng mga concrete barrier sa paligid ng gigibaing Tandang Sora Flyover na gagamiting pangharang sa mga motorista dahil hindi na ito puwedeng madaanan simula alas-11 ng gabi ng Sabado.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), maging ang intersection sa ilalim ng flyover ay ‘di na rin madadaanan kaya ang mga motoristang galing eastbound lane ng Commonwealth at patungong Tandang Sora ay sa U-turn slot sa Home Depot na dadaan.

Sa mga motoristang nasa westbound lane ng Commonwealth Avenue naman galing at papunta ng Katipunan ay sa U-turn slot sa UP Technohub dadaan. 

Ang mga motorista naman na galing Tandang Sora at patawid ng Commonwealth Avenue patungo sa Katipunan Avenue ay sa Luzon Flyover na ang daan at vice versa.

Buong Linggo na nagsagawa ng clearing operation ang MMDA at Quezon City Department of Public Order and Safety para sa mga alternate route na Luzon Avenue, Congressional Avenue Extension at Tandang Sora.

Gigibain ang Tandang Sora Flyover para bigyang-daan ang construction ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7.

Tinatayang 100,000 sasakyan ang maaapektuhan sa paggiba sa naturang flyover. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.