Empleyado ng fastfood chain sa Angeles City, patay nang 'pagtripan' ng katrabaho

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2019 09:17 PM | Updated as of Mar 02 2019 10:24 PM

(UPDATED) Patay ang isang 18 anyos na empleyado ng isang fastfood chain nang pagtripan umano ng kaniyang katrabaho sa Angeles City sa Pampanga.

Ayon sa pamilya, ikinwento sa kanila ng witness na inutusan ang biktimang si Christian Batac ng kaniyang manager na picturan ang kanilang conveyor. At sinundan umano ng suspek na si Kroywren Puno para pagtripan ito.

Pinindot umano ni Puno ang button ng pinto ng conveyor at iniwan ang biktima para mapagtripan ito. Pero hindi niya namalayang naipit ang leeg ng biktima sa kordon ng conveyor na nagdulot ng pagkasakal sa kaniya.

Itinakbo pa si Batac sa ospital pero dead on arrival na ang biktima. Nagtamo si Batac ng mga galos at pasa sa kaniyang leeg.

Nagdadalamhati ngayon ang mga kaanak ni Batac lalo na at nag-uumpisa pa lamang ito sa kaniyang trabaho na isinasabay niya sa kaniyang pag-aaral bilang isang Grade 8 student.

“Nag-uumpisa palang siyang nangangarap, pero ganyan na nangyari sa kaniya," ayon sa ina niyang si Maria Lourdes Batac.

Hiniling ng mga kaanak ng pamilya ang CCTV footage pero iginiit umano ng fastfood chain na sira ang kanilang CCTV.

"From their allegation, sira yung CCTV nila, then kumukuha kami ng ibang anggulo na ma-catch up ang insidente," ani Police Capt. Enrique P. Guevarra, deputy ng Angeles City Police.

Hindi nagbigay ng pahayag ang fastfood chain sa harap ng camera pero anila, nakikipagtulungan na sila sa mga awtoridad para maimbestigahan ang insidente.

Nakasuhan na ng reckless imprudence resulting in homicide ang suspek.

-- Ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.