Babae naperwisyo ang bakasyon sa Hong Kong dahil sa palpak na travel agency

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2019 05:53 PM | Updated as of Mar 02 2019 09:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang babae ang umangal sa serbisyo ng isang travel agency dahil imbes na makapagpahinga ay napuno ng stress ang kaniyang bakasyon sana kasama ang mga kapamilya.

Sariwa pa sa alaala ni alyas "Mary" ang nangyari sa kanila sa Hong Kong noong Nobyembre 2018.

Naengganyo kasi silang pamilya na kumuha ng "Buy 2, Get 1 Free" tour package sa Air You Go Travels Experience sa halagang mahigit P20,000.

Wala naman daw aberya noong unang bahagi ng trip pero nagulat si Mary nang siningil ang anak niya ng HK$770 habang nasa kalagitnaan ng tour nila sa Hong Kong.

Nakipagtalo pa siya sa tour guide at ipinipilit na bahagi ng promo package ng Air You Go Travels Experience ang isang anak niya at bayad na ito sa Pilipinas.

"Iyung tour guide namin tinawagan 'yung boss niya... Ini-insist ng boss niya na talagang di pa kami bayad. Wala kaming nagawa, nagbayad kami kaysa ma-hassle kasi di ba bakasyon namin 'yun. Naperwisyo kami," sabi ni Mary sa "Tapat Na Po."

Pagbalik ng Pilipinas, nangako ang Air You Go Travels Experience ng refund pero buwan din ang hinintay bago ito naibigay noong Pebrero 21, 2019.

Humingi ng paumanhin ang travel agency sa abalang idinulot nila kay Mary.

Sa kabila nito, naghain pa rin ng reklamo si Mary sa Department of Tourism (DoT) at natuklasang hindi naman pala accredited sa ahensiya ang Air You Go Travels Experience.

Ipinasa ng DoT sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa Quezon City local government ang reklamo para sa kaukulang aksiyon.

Paalala ng DoT sa publiko, tiyaking accredited lang ang tangkiliking travel agency para iwas sa abala.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang po sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.