'Tulak' umano ng marijuana, arestado sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 05:48 AM

Arestado ang isang lalaki sa buy-bust operation sa isang paupahan sa Parañaque City Biyernes ng hatinggabi.

Narekober mula sa suspek ang kilo-kilong marijuana na nagkakahalaga ng P455,000.

Bagong tenant ang 25-anyos na suspek sa Sitio Bagong Pag-asa, Barangay Sun Valley. Wala itong trabaho.

Ayon kay Chief Insp. Joey Arandia, hepe ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office, isinagawa nila ang operasyon matapos ang 3 araw na surveillance.

Inamin ng nahuli na sangkot siya sa pagtutulak. Kinukuha umano niya ang marijuana sa Kalinga sa halagang P6,000 kada kilo.

Dagdag niya, tatlong buwan na umano niya itong ginagawa.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.