Sumbong ng 2 magsasaka sa CHR: 'Na-torture, sinilaban' daw ng militar

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 08:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights (CHR) ang dalawang magsasaka at ang grupong Karapatan hinggil sa umano'y unang kaso ng torture ng militar habang umiiral ang martial law sa Mindanao.

Sa mga retratong kuha ng Karapatan-Southern Mindanao, makikita ang lapnos na balat ng magsasakang si Janry Mensis.

Sa tulong ng grupo, nagtungo sa CHR sina Mensis at ang 17 anyos na magsasaka at part-time miner na kapwa inabuso rin umano ng militar.

Dala ang affidavit at medical report, nais nilang imbestigahan ng CHR ang pagdukot umano sa kanila ng pulisya sa Tagum City noong Nobyembre 28, 2017.

Pinagbintangan aniya silang magnanakaw at pagkatapos ay ipinasa naman sila sa 71st Infantry Battalion ng Philippine Army at pinagbintangang miyembro ng New People’s Army.

Na-torture at tinangka pa umano silang sunugin nang buhay sa Compostela Valley.

"Nu'ng nag-aapoy na, dahan-dahan na silang umalis at nu'ng hindi na kaya ng paa ko kasi masakit na, at sila dahan-dahang umalis, tumakbo na ako kahit nag-aapoy pa," kuwento ni Mensis. 

Para sa grupong Karapatan, ito ang kauna-unahang dokumentadong kaso ng pag-torture ng militar simula nang ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao.

"Mainam din na i-highlight na nangyari ito na merong batas-militar na ipinatutupad sa Mindanao. Itong kasong ito ang nagpapatotoo na hindi totoo na walang human rights abuse na nangyayari," ayon kay Roneo Clamor, secretary general ng Karapatan.

Sa isang pahayag, sinabi ng militar na bukas sila sa anumang imbestigasyon at handang makipagtulungan sa ikalulutas ng kaso. 

"We do not condone any misbehavior of our soldiers...In this allegation, we welcome any investigation by any legitimate investigating agency," paniniguro ni Major Ezra Balagtey, tagapagsalita ng AFP Eastern Mindanao Command.

Ipinatutupad din anila ang international humanitarian law sa tuwing may operasyon.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.