Sereno, hindi magbibitiw, handang humarap sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 09:56 PM | Updated as of Mar 02 2018 09:57 PM

Nanindigan si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na hinding hindi siya magbibitiw sa puwesto at handa na siyang humarap sa paglilitis sa Senado kung saan niya pasisinungalingan ang mga bintang sa kaniya. 

Sa kaniyang talumpati sa harap ng University of Baguio law students na may temang judicial reform, napunta ang usapan sa mga panawagang magbitiw na siya sa puwesto.

"No, I will not [resign]. I will give an account of my actions as Chief Justice to the people...I do not owe anyone the duty to resign. I owe the people the duty to tell my story," ani Sereno, na humarap sa publiko matapos ang kaniyang "puwersahang" indefinite leave.

Nakatakdang pagbotohan ng House justice committee sa Marso 8 kung may basehan para ma-impeach si Sereno. Sunod itong pagdedesisyunan ng buong Kamara kung dapat bang ilipat na sa Senado para sa isang ganap na impeachment trial.

Sabi ni Sereno, tila may pagdududa na ang mga kritiko niya sa "lakas" ng kanilang kaso sakaling makarating ito sa Senado kaya't hinihiling na lang ng mga ito ang kaniyang pagbibitiw.
 
"Either the House found probable cause or not. The proponents of the impeachment have bared their uncertainties. They have been contradicting themselves by saying that they have solid evidence against me and at the same time, calling for my resignation," obserbasyon ni Sereno. 

Kumpiyansa naman si Sereno na magbibigay ng bagong buhay sa Korte Suprema ang dagok na kaniyang naranasan kapag natapos na ito.

"I am hopeful that after the impeachment trial, days of renewal for the Supreme Court can still be forged, united by the common desire to serve our people," ani Sereno. 

Anuman daw ang desisyon sa reklamo laban sa kaniya, umaasa si Sereno na sa mga ebidensiya ito ibabase at hindi sa pulitika.

--Ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.