Retiradong sundalo, patay sa anti-drugs ops sa Pikit

Jasper Acosta and Rodney Ontolan, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 04:11 PM | Updated as of Mar 02 2018 05:29 PM

Bakas pa ang dugo kung saan nabaril at napatay ang retiradong sundalong si Ibrahim Ayunan na nagpaputok sa operating team Biyernes ng madaling araw, Marso 2, 2018, sa Pikit, North Cotabato. Photo courtesy of the Pikit Municipal Police Station 

NORTH COTABATO – Patay ang isang retiradong sundalo na nagpaputok sa awtoridad na nagsasagawa ng anti-illegal drugs operation, Biyernes ng madaling araw sa bayan ng Pikit.

Armado ng 30 search warrants, sinalakay ng mga pulis ang 9 na bahay sa Barangay Batulawan sa Pikit pasado alas-2 ng madaling araw dahil sa paglabag sa illegal possession of firearms at pagbebenta ng ilegal na droga.

Pero pagdating sa isang bahay na pinasok ng operating team, pinaputukan umano sila ni Ibrahim Ayunan, 57-anyos, isang retiradong sundalo.

“Nagpaputok ito ng baril sa ating operating team kaya't nabaril ito ng tropa,” ayon kay Chief Inspector Romy Castanares, chief of police ng Pikit Municipal Police Station.

Samantala, inaresto naman ng awtoridad ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team na si Bani Talusan na nasa loob din ng bahay nang isagawa ang operasyon.

Nakuha sa kaniya ang isang Garand rifle.

Ayon sa pulisya, si Ayunan at Talusan ay napabilang umano sa listahan ng awtoridad bilang protector ng mga taong nagbebenta ng ilegal na droga sa lugar.

“Ang mga ito ay napabilang sa category na protector ng mga taong sangkot sa droga,” sabi ni Castanares.

Mariing itinanggi naman ni Talusan ang bintang sa kaniya.

“Hindi ko po magagawa yun, sir. Hindi po ako sangkot sa droga,” pahayag ni Talusan. 

Maging ang misis nito ay hindi rin makapaniwala sa bintang na sangkot siya sa bentahan ng ilegal na droga.

“Karpintero at BPAT po ang mister ko. Hindi po siya sangkot sa droga,” sabi ng misis ni Talusan na si Cory.

Mula buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan, ito na ang pang-limang anti-illegal drug operation na inilunsad ng PNP sa bayan ng Pikit, kung saan 3 katao na ang naitalang namatay sa operasyon, siyam ang arestado at 11 kaso ang naisampa sa piskalya.

Samantala, wala namang nasamsam na droga ang operating team sa siyam na bahay na target ng search warrant operation sa nasabing barangay.

Ayon sa pulisya, sasampahan nila si Talusan ng kasong illegal possession of firearms.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.