Pekeng PDEA agents na nangingikil, kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 08:50 PM | Updated as of Oct 24 2018 03:59 PM

Kilala na ng Southern Police District ang armadong grupong nandukot ng mga kabataan noong Pebrero habang suot ang uniporme ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Matatandaang Pebrero 4 nang makuhanan ng mga security camera sa Taguig ang pagdukot ng grupo sa tatlong kabataan at Pebrero 18 naman nang makipaghabulan ang mga ito sa pulis ngunit hindi sila nahuli.

Inabandona ng grupo ang isang pickup kung saan narekober ang mga baril, pekeng pera, mga radyo, at mga posas.

Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi PDEA agents ang mga ito kung hundi organisadong grupong nangingikil sa mga drug suspect. Dawit din umano ang mga ito sa kalakaran ng ilegal na droga. 

"Siyam sila sa grupo...Six of them identified and then three John Does," ani Senior Superintendent Alexander Santos, hepe ng Taguig police. 

Pero dagdag ng PNP, hindi nila isinasantabi na maaaring mga dating asset ng PDEA ang ilan sa grupo.

Kinasuhan na ng kidnapping, robbery, at extortion ang mga miyembro ng grupo na itinuturing na "armed and dangerous."

Samantala, tinanggal na sa puwesto ng PDEA ang lahat ng kanilang tauhan sa Calabarzon.

Balik sa PDEA headquarters ang mahigit 60 tao ng PDEA-4A na papalitan ng mga ahente mula sa ibang rehiyon.
    
--Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.