Pamilya Demafelis, di naniniwala sa tinaguriang 'recruiter' ni Joanna

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 09:02 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Masama ang loob ng pamilya ng pinaslang na overseas Filipino worker sa Kuwait na si Joanna Demafelis matapos itanggi ni Agnes Tuballes na siya ang nag-recruit sa biktima. 

"Paanong hindi siya recruiter? Ang ginawa niya dito sa bayan ng Sara, Iloilo ay marami siyang napaalis," ani JoeJet Demafelis, kapatid ni Joanna.

Ayon kasi kay Tuballes, ini-refer lamang niya si Joanna sa isang lehitimong agency dahil na rin humingi ito ng tulong sa kaniya para makapag-abroad.

 Hindi rin tanggap ng pamilya sakaling bibisita si Tuballes sa kanilang bahay. 
    
Panawagan ng pamilya, magsabi ng totoo si Tuballes para managot ang recruitment agency.

Umalis na sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Tuballes matapos magbigay ng pahayag.
    
Handa naman umano siyang humarap sakaling ipatawag para sa imbestigasyon.
    
Sa nakuhang salaysay sa kaniya, 2016 pa dapat nakabalik ng bansa si Joanna.

"Based sa allegation ni Agnes, pinadala ng Mt. Carmel [agency] sa Kuwait si Joanna noong May 2014, so dapat kung dalawang taon lang ang kontrata, tinitingnan natin kung bakit nandu'n pa rin siya hanggang November kung kailan siya nawawala," ayon kay Superintendent Roque Merdegia Jr., hepe ng Anti-Transnational Crime Unit ng CIDG.

Inaalam pa rin ng CIDG kung nakahanap ba ng ibang agency o employer si Joanna sa kuwait.
    
--Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.