Lalaki, patay sa pamamaril nang agawan ng motorsiklo

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 09:50 PM | Updated as of Oct 24 2018 06:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ng Quezon City police ang mga salarin na nakuhanan ng CCTV noong Huwebes na umagaw ng motorsiklo at pumatay pa sa may-ari nito.

Patay sa pamamaril ang biktimang si Michael Joseph Evangelista matapos barilin sa dibdib ng mga armadong lalaki para makuha umano ang susi ng kaniyang motorsiklo.

"'Yong motor kasi niya 'di basta-basta makukuha nang wala talagang susi kaya talagang pinilit nilang makuha iyong susi," sabi ng kapatid ng biktima.

May tinutumbok na posibleng suspek ang Quezon City Police District (QCPD) Station 1 batay sa mga salaysay ng ilang testigo.

Katarungan naman ang hiling ng pamilya ng biktma, na naulila ang kaniyang dalawang anak.

Nanawagan din ang QCPD Station 1 sa mga posible pang testigo o may alam sa kinaroroonan ng mga salarin.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.