Joint exploration sa teritoryo ng Pinas kasama ang China, tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 09:25 PM | Updated as of Oct 24 2018 06:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinutulan ng mga eksperto at kritiko ng administrasyon ang inilutang ni Pangulong Rodrigo Duterte na joint exploration o joint ownership sa West Philippine Sea kasama ang China.

Kinumpirma ito ng Malacañang at sinabing may dalawang lugar sa exclusive economic zone ng bansa ang pinag-aaralang maisailalim sa joint exploration ng mga kumpanyang Pilipino at China.

Pero para kay dating Solicitor General Florin Hilbay, isa itong grounds for impeachment dahil maliwanag na pagtataksil ito sa bayan at labag sa Saligang Batas.

"[It's] a clear example of culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust. The West Philippine Sea is exclusively ours. He's giving it away," ani Hilbay.

Tingin naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, para nang "sumuko" ang gobyerno sa mga pinaggagagawa ng China sa teritoryo ng bansa. 

"It sends a dangerously wrong message that the Duterte administration disregards our hard-won victory at the International Tribunal at the Law of the Sea (ITLOS)...It is as if [they are] reversing the said historic victory and is now giving [it] to China on a silver platter," ani Zarate. 
    
Ganito rin ang posisyon ni Supreme Court acting Chief Justice Antonio Carpio.

"Because the Constitution says that the state shall protect its exclusive economic zone, we cannot concede our sovereign rights, even the president cannot concede our sovereign rights," ani Carpio.

Pero sagot ng Palasyo, hindi nangangahulugan na binibigyan na ng sovereign rights ang China kapat pumayag ang Pilipinas sa isang joint exploration. 

"Exclusive economic zone refers to exclusive right to explore and exploit, but it is your sovereign decision kung gusto mong magkaroon ng joint exploration. 'Yun po 'yung punto doon," depensa ni Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Puna ng isang eksperto, malabo ang pahayag ng Pangulo at parang hindi pa talaga napag-iisipan ng administrasyon ang polisiya nito sa China.

"[T]hat means there is still no clear policy or direction for this whole idea of joint development," ani Jay Catongbacal, propesor sa UP College of Law at direktor ng UP Law Center Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea.
    
At bagama't labag sa batas na ibahagi ng gobyerno ang pagmamay-ari at pakikinabang sa karagatan o teritoryo ng bansa, sinabi ni Batongbacal na hindi bawal sa batas ang pakikipagsosyo sa mga dayuhang pribadong kumpaniya na nais magnegosyo sa teritoryo ng Pilipinas.
    
"It can be argued since it's not expressly prohibited," ani Batongbacal.

Paalala ng propesor, lugi ang Pilipinas sa China dahil hindi mapakinabangan ng bayan ang West Philippine Sea habang hindi nareresolba ang isyung ito.
    
--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.