Ilang senador, di sang-ayon sa 'total closure' ng Boracay

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 09:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tinutulan ng ilang senador ang panukalang temporary total closure o pansamantalang pagsara ng Boracay sa mga turista para bigyang daan ang rehabilitasyon ng isla. 

"I believe shutting it down completely is not the solution," ani Sen. Joel Villanueva nitong Biyernes sa pagdinig ng Senado sa isyu ng Boracay sa kalinisan at kapaligiran.

Ipinahayag din ng mga negosyante sa Boracay ang kanilang hinaing sa panukala nina Tourism Secretary Wanda Teo at Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año na ipasara ang lahat ng establisimyento sa Boracay sa loob ng dalawang buwan.

"Closing Boracay is not the solution to the problem, we need unity," ani Elena Brugger ng Philippine Chamber of Commerce and Industry-Boracay.

"We have been constantly receiving questions and even cancellations... Establishments that have been compliant from the beginning should not be penalized," sabi naman ni Jose Clemente ng Tourism Congress of the Philippines.

"We would also like to recommend that the environmental monitoring process be reinforced," dagdag ni Clemente.

Para naman kay Sen. Cynthia Villar, ang mga establisimyentong lumalabag sa mga patakaran na lang ang ipasara.

"Ang suggestion natin, ipasara 'yong non-compliant at bayaang bukas 'yong compliant.. we punish those who are not complying with the law," ani Villar.

Higit 300 business establishments sa Boracay ang nakitang lumabag sa patakarang huwag masyadong ilapit ang kanilang mga estruktura sa dagat.

Nasa 842 establisimyento naman ang walang maayos na drainage system o paagusan.

WETLANDS, FORESTED AREA

Binuksan din ng mga senador sa pagdinig ang pag-okupa ng mga bahay at establisimyento sa lima sa siyam na wetlands ng Boracay.

Ang wetlands ang nagsisilbing proteksyon ng isla laban sa baha at iba pang kalamidad.

Sinita ni Sen. Loren Legarda ang ilang opisyal ng Department of Environmental and Natural Resources (DENR) at pamahalaang lokal ng Malay, Aklan sa pagpapabaya sa wetlands.

"Hindi ito mangyayari kung hindi binigyan ng suporta o kapabayaan ng DENR... Paano makakarating ang plywood at pako kung 'di pinayagan ng lokal na pamahalaan?" ani Legarda.

Nangako ang pamahalaang lokal na padadalhan ng show-cause order ang mga may estruktura sa wetlands.

Hindi rin nakaligtas sa mga senador ang isyu ng West Cove, na nakatayo sa isang forested area at nabistong nag-operate kahit walang mga kaukulang papeles.

"[Kung] hahayaan natin ang isang ganyan, we're giving the wrong signal that violators can just violate LGU (local government unit) policies and national government agencies' policies, and get away with it. So I think kailangan kayong mag-example dito," ani Legarda.

Ayon sa DENR ay hindi nila magalaw ang West Cove dahil nakaapela umano ang kaso sa Office of the President.

Nangako naman si Año na pananagutin ang mga lokal na opisyal na mapatutunayan umanong nagpabaya at nagdulot ng pagkasira ng Boracay.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.