Dating tricycle driver, nagnakaw ng barya sa sari-sari store sa CDO

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 10:37 AM

CAGAYAN DE ORO CITY - Huli ang isang lalaki matapos manloob sa isang tindahan sa Barangay Cugman, Huwebes.

Nakita ng may-ari ng tindahan na si Rebecca Cabrera na puwersahang binuksan ng suspek ang kahoy na nakatakip sa harap ng kanilang tindahan at pumasok sa butas sa pagitan ng mga maninipis na bakal.

“Narinig ko mula sa aming kuwarto na mayroong pumasok sa tindahan. Binuksan nito ang drawer at kumalampag ang mga barya sa loob,” sabi ni Cabrera.

Mabilis na nakatakas ang suspek pero hinabol siya ng mga tambay sa lugar.

Sa kabilang barangay na nahuli ang suspek.

“Nang nahuli ng mga tambay ang suspek, pinagbugbog nila ito kaya nagtamo ng sugat at pasa sa katawan ang suspek,” sabi ni PO2 Noel Perpetua, night investigator ng Police Station-10 Cugman.

Nakuha mula sa suspek ang mga barya na nagkakahalaga ng P132, habang nakakalat naman sa daan ang iba pang mga barya na aabot sa P167.

Ayon kay Cabrera, ang suspek ay isang tricycle driver na nakatira sa likod ng kanilang bahay.

Umanin naman ang suspek na siya ang nanloob sa tindahan.

“Nagawa ko lang ito dahil sa aking problema. Isang linggo na akong walang hanapbuhay dahil kinuha ng may-ari ang aking minamanehong tricycle,” pag-amin ng suspek.

Gusto naman ni Cabrera na maturuan ng leksyon ang suspek kaya sasampahan niya ito ng kasong robbery.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.