Nauwi sa gulo ang isang clearing operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Maynila nitong Biyernes matapos umanong tutukan ng baril ng isang may-ari ng jeep ang mga tauhan ng ahensiya.
Sinugod ni MMDA Special Operations Group head Bong Nebrija ang may-ari ng isang sasakyang hinatak sa Rizal Avenue, Maynila matapos isumbong ng kaniyang mga tauhan na tinutukan sila nito ng baril.
Ilegal kasi umanong nakaparada ang owner-type jeep kaya hinatak para ma-impound.
Habang nagtatalo, tinanggi ng may-ari ng sasakyan ang panunutok pero pinanindigan ng mga tauhan ng MMDA ang paratang.
Maaaring sampahan ng kaso at padaluhin sa seminar hinggil sa tamang pag-uugali ang may-ari ng jeep.
Bago nito, uminit din ang ulo ng ilang residente sa may Estero De Maypajo, Maynila matapos baklasin ng MMDA ang mga estruktura nilang kumain sa easement ng estero.
Sinementuhan pa ang ilang bahagi ng mga estruktura na sanhi ng pagbara ng basura sa estero.
Nakasasagabal din umano ang mga establisimyento at iba pang estruktura sa pagkuha ng basura sa lugar.
-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, clearing operations, towing operations, Metropolitan Manila Development Authority, MMDA, Bong Nebrija, TV Patrol, Doris Bigornia, clearing operation, Maynila