4 arestado sa droga sa Taguig

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2018 05:53 AM

Arestado ang 4 katao sa magkahiwalay na operasyon sa Taguig City.

Unang nahuli ang isang mag-live-in partner sa kanilang bahay sa Barangay Ususan sa bisa ng search warrant.

Narekober mula sa kanila ang 17 sachet ng hinihinalang shabu, isang sachet ng umano'y marijuana at ilang drug paraphernalia.

Ayon kay Senior Insp. Joseph Inomis ng Taguig police, ilang buwan nilang minanmanan ang mga suspek matapos makatanggap ng text sa kanilang ilegal na gawain.

"Ayon sa text, sila ay matagal nang nag-ooperate kaya inantay natin na makumpirma ng ating kasamahan bago nagsagawa ng search warrant," aniya.

Aminado naman ang nahuling lalaki na gumagamit siya ng shabu pero itinanggi niyang sa kaniya ang mga nasamsam na droga.

Samantala, timbog din ang 2 lalaki na parehong nakuhanan ng tig-isang sachet ng umano'y shabu nang madatnan ng mga pulis sa Barangay North Signal at Barangay Maharlika. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.