Permit ng mga bus na lumalabag sa 'nose-in, nose-out' policy, maaaring kanselahin

Jorge Carino, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2017 07:12 PM

Bagama't bawal, may mga kumpanya pa rin ng bus na lumalabag umano sa “nose-in, nose-out” policy o sa pagbabawal sa mga bus na magmaniobra ng paatras mula sa kanilang terminal.

Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), ipapakansela na nila sa mga lokal na pamahalaan ang business permit ng mga kumpanya ng bus na lumalabag sa patakaran.

“We will now proceed with the recommendation for the cancellation of their business permit, kasi may violation siya sa national law, sa national level,” ani MMDA General Manager Thomas Orbos, nang makita ang ilang video ng mga bus na hindi sumusunod sa patakaran.

Sa Quezon City, may listahan na ibinigay ang lokal na pamahalaan kung alin sa mga kumpanya ng bus ang nabigyan nila ng permit para sa terminal o garahe sa siyudad.

“Even if they have a permit, kung meron itong violation na talagang nagiging cause ng traffic, ito ay magiging dahilan para i-revoke namin at eventually maisarado na rin namin sila,” sabi ni Gary Domingo ng Quezon City Business Permit and Licensing Office.

Titingnan din umano ng MMDA ang mga listahan ng terminal o garahe ng mga kumpanya ng bus sa Metro Manila.

“Iyong mga existing na listahan, iche-check namin kung talagang terminal o garage lang sila. Kung garage lang sila at ginagamit na terminal, papasara din ho namin yan,” ani Orbos.

Sa mga susunod, susuyurin ng MMDA ang mga terminal upang malaman kung alin ang may mga permit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.