Media Security USec, biktima ng basag-kotse

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2017 09:11 AM

MANILA - Binasag at ninakawan ang sasakyan ni Presidential Task Force on Media Security Undersecretary Joel Egco sa isang mall sa Pasay City, Miyerkules ng gabi.

Kwento ni Egco, "May meeting kasi ako with Senator Koko Pimentel at [Presidential Communications] Secretary Andanar bandang 8:30 [ng gabi]. After namin kumain bandang 9, paglabas namin may guwardya na sa tabi ng sasakyan. 'Yun pala, basag na yung salamin."

Sa Facebook video ni Egco, makikitang basag ang kaliwang bahagi ng kanyang Ford E150.

May mga baril sa loob ng sasakyan ang kanyang security group na nagkataong kumain nang mangyari ang pambabasag at pagnanakaw. Pero tanging backpack na naglalaman ng 2 set ng police uniform ang natangay.

"Baka natakot na nakita na may mga baril doon. Inisip na pulis ang sakay nito. May mga armalite, mahahaba, maiiksi," ani Egco.

Bagamat may mga gwardya naman sa parking area na malapit sa police station, nasalisihan din sila ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Aminado si Egco na nabahala siya sa nangyari.

"Imagine, ako na nasa gobyerno, working with the most powerful man in the land, nagawan ng ganito. How about pa the others?" sabi ng opisyal.

"'Yan ay random lang na ginawa. Andyan pa rin talaga sila waiting to attack," dagdag niya.

Nagkaayos na sina Egco at ang security agency ng mall, na nangakong babayaran ang pagpapagawa ng nabasag na salamin at nawalang backpack.

Patuloy naman ang isinasagawang paghahanap sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.