Isa na namang security screening officer ang naaresto matapos umanong maaktuhang nagnanakaw sa isang banyaga sa Ninoy Aquino Intenational Airport (NAIA) Terminal 1 nitong madaling araw ng Miyerkoles.
Ayon sa Office for Transportation Security (OTS), inilagay ng Chinese tourist ang relo niya at ibang gamit sa tray pero hindi nito napansin na pinatungan ng screening officer ng isa pang tray ang naiwang relo.
"Para hindi niya makita. And then inalis 'yong tray at doon kinuha 'yong relo at nakita sa CCTV na binulsa niya 'yong wristwatch ng Chinese national," ani OTS Administrator Mao Aplasca.
Nauna nang sinibak ng OTS ang 5 tauhan na sangkot sa isang viral video ng pangunguha ng pera sa dayuhan sa NAIA Terminal 2 kamakailan.
Para maiwasan ang mga kaparehong pangyayari, nagdagdag ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng mga CCTV sa lugar kung saan nangyayari ang mga insidente.
Bago na rin umano ang security screening officers na nakatoka sa transiting area ng Terminal 2 matapos sibakin ang mga sangkot na officer.
Ginawa na rin ng MIAA na transparent ang mga salamin sa security checkpoint para paglabas ng bag ng mga pasahero ay nakikita nila agad ito.
Nangako naman ang OTS na gagawa ng paraan para hindi na maulit ang insidente.
Dumipensa rin ang tanggapan na hindi lahat ng screening officers ay katulad ng mga nasibak sa puwesto.
"Sana po hindi ito maging kultura," ani Aplasca.
"Siguro iilan lang itong tiwaling miyembro ng Office for Transportation Security kaya hinihimok ko ang aming kasamahan sa OTS, alam ko marami sa atin [ang] matitino diyan sa ating serbisyo kahit mababa ang suweldo. Magtulong-tulong tayo na linisin ang ating hanay," dagdag niya.
— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.