Nahanap ng mga awtoridad sa isang bakanteng lote sa Cavite ang bangkay ng isang Adamson University student, na hinihinalang nasawi sa hazing, Pebrero 28, 2023. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MAYNILA (UPDATED) — Sa Sabado na ililibing ang estudyante ng Adamson University na natagpuang patay sa Cavite bunsod ng hinihinalang hazing.
Dumating na sa Zamboanga City ang mga labi ni John Matthew Salilig nitong Huwebes ng umaga.
Kasabay na ililibing sa Sabado ang kaniyang lolo, na namatay dahil umano sa multiple organ failure.
Natagpuan noong Martes sa isang bakanteng lote sa Cavite si Salilig, higit isang linggo matapos maiulat ang kaniyang pagkawala kasunod ng pagdalo sa welcoming rites ng isang fraternity.
Base sa medico legal ni Salilig, "severe blunt force trauma to the lower extremities" ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Ayon sa kaniyang amang si Jeoffrey Salilig, hindi niya matanggap ang nangyari sa anak nang makita sa larawan ang lagay ng bangkay nito.
Puno umano ito ng pasa sa katawan at nasa state of decomposition na.
"We feel sad. Instead of bringing our son to the hospital, they dumped him," ani Jeoffrey.
Pero nilinaw ni Jeoffrey na hindi siya galit sa buong Tau Gamma Phi fraternity.
Maayos aniya ang samahan sa Zamboanga City, kung saan miyembro si John Matthew. Madalas umano silang magsagawa ng mga aktibidad na nakatutulong sa komunidad.
"I salute the fraternities here in Zamboanga because they have transformed into community services," sabi ni Jeoffrey.
Iginiit ni Jeoffrey na magsasampa sila ng reklamo laban sa mga responsable sa pagkamatay ng anak.
"We want justice for our son. They just have to face the consequences for what they have done," aniya.
— Ulat ni Queenie Casimiro at Jeffrey Caparas
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.